Umay
Hindi matatagpuan sa Bear Blog Discovery feed ang pinagsasabi ko dito, ngunit puwede mo itong makita gamit ng RSS at ibang pampublikong feed.
Kadalasan itong sinasabi kung nagsasawa na ako sa ulam sa bahay. Maaaring paulit-ulit na pagkaing inihain o nasosobrahan na akong kumain. Ayaw ko sanang magsayang ng ulam, pero minsan ay hindi ko na kayang ubusin ito. Nakakahinayang nga...
Ganoon din ang pakiramdam ko sa iba't ibang mga bagay, tao at karanasan sa aking buhay. Nakakasawa minsang ulitin ang mga iyon, kaya kailangan kong palitan ang nakasanayan ko magkalipas ng ilang taon.
Ilan sa mga halimbawa ng mga kung anu-anong nakakasawa sa buhay:
Internet
Nakakasawa ring maglakbay sa mundo ng Internet dahil marami akong nakikitang kabulastugan diyan. Kung may nakita man akong masasamang damo, puwede ko itong putulin anumang oras. Hindi ko na lang sila papansinin kung itinuloy nila ang katarantaduhan diyan.
Kapag naghahanap naman ako sa DuckDuckGo (o kung anumang search engine bukod sa Google), napapansin kong pumapangit na ang kalidad ng mga resulta doon. Madali sanang maghanap ng iba't ibang bagay doon, pero mahirap minsang kilatisin ang mga likha dahil hinahaluan na mga ito ng AI. Sana mala-AO3 nalang ang dating ng mga search engine para hindi sumakit ang ulo sa paghahanap sa Internet.
Hindi na ako masyadong tumatambay sa bubbles.town dahil nakakasawang makita ang bilang ng mga boto sa mga likha para sa indie web. Sa totoo lang, gusto kong maghanap ng iba't ibang website sa mga lugar gaya ng powRSS, Kagi Small Web at Nekoweb.
Problemadong tao
Hindi ko man maiwasang marining ng mga isyu tungkol sa iba't ibang tao, pero talamak ito sa mundo ng Internet. Dahil madali nang puntahan ang mga lugar tulad ng Facebook at TikTok (na sadya kong iniiwasan), madali na ring i-bash ang iba't ibang tao dahil sa mga mali nilang ginawa.
Naalala ko si Venus Angelic na mahilig magmukhang manika sa YouTube. Nakaka-enganyo sanang balikan ang mga panahong iyon, ngunit noong napanood ko ang sanaysay ni Kidology ay nag-iba na ang pananaw ko sa kanya. Nakakalungkot man ang nangyari sa kanya, pero hindi ko rin siya masisi kung bakit naging ganyan na ang buhay niya. Sayang, naging balahura tuloy siya...
Hindi lahat ng tao ay papatawarin sa mga ginawa nila sa buhay. May mga pasaway na taong gustong tapakin ang mga karapatan ng iba. May mga ibang makikigulo sa mga nangyayari sa mundo. May mga ibang gumagawa ng karumal-dumal na mga krimen. Dahil nakakasawa ang pinaggagawa nila, hindi ko na silang babanggitin dito. Wala na akong pake kung ano ang mangyayari sa kanila.
Manika
Noong bata pa ako, naglaro ako ng Bratz at pinalitan ko ang mga damit ng grupo ng mga manikang ito. Nanood pa ako ng palabas na iyon sa TV at masayang makita ang animasyong 3D (kahit isinalin ang pinagsasabi ng mga katauhan sa wikang Filipino).1 Wala pa akong pake sa mga isyu nina Yasmin, Chloe, Jade at Sasha noong panahong iyon.
Nang balikan ko ang mga manikang iyon, naaalala ko ang mga regalong ito galing sa aking Tita. Sa totoo lang, hindi na ako masyadong naglalaro ng mga manika ngayon. Kung marunong lang akong magtahi, gagawan ko sila ng mga bagong damit galing sa iba't ibang telang nakatago sa bahay.
Libangan
Bukod sa paglaro ng mga manika, puwede akong gumuhit sa aking tablet, magsulat ng kuwento o gawin ang iba't ibang libangan. Kung nasasawa na ako sa anumang libangan ngayon, puwede kong ibahin ito sa susunod na araw. Kung hindi kayang gawin ang isang bagay na nagpapasaya sa akin, manonood naman ako sa YouTube o maghahanap ng puwedeng basahin upang pag-aralan iyon.
Kapag naguguluhan o napapagod na aking isip, magbabasa na lang ako ng libro o manonood ng TV. Puwede naman ako magpahinga upang tumahimik ang aking makulit na imahinasyon.
Kahit ang pagsusulat dito sa mundo ng Internet, nakakasawa minsan. Marami pa sana akong sasabihin dito, ngunit magsasayang lang ako ng oras at enerhiya.